Getting your Trinity Audio player ready...
|
Natimbog sa buy-bust operation sa Brgy. San Juan, Aborlan, ng mga awtoridad ang isang 25 taong gulang na lalaki na pinaghihinalaang nagbebenta ng marijuana noong nakalipas na Sabado.
Ayon sa ulat ng Palawan Police Provincial Office (PPO), ang inaresto ay si Franklin James Joven Nostratis, residente rin ng Brgy. San Juan, noong gabi ng January 7, dahil sa hinalang paglabag sa Republic Act 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Dinakip siya ng mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), katuwang ang Aborlan Municipal Police Station (MPS), 1st Police Mobile Force Company (PMFC), Police Palawan Intelligence Unit (PIU), MIMAROPA Regional IU, 2nd Special Operations Unit-Maritime Group, Quezon Special Boat Unit, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang pag-aresto ay matapos makabili sa kanya ng isang heat sealed plastic sachet na naglalaman umano ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Bukod dito ay nakumpiskahan din siya ng tatlo pang plastic sachet na may laman din na pinatuyong mga dahon ng marijuana, dalawang box ng Milky Vanilla at Sunny Ware na may laman pa rin na pinatuyong dahon, isang plastic bowl na may kapareho din na laman, pera, at iba pa.
Tinatayang may timbang na 806 grams ng pinatuyong dahon ang nakumpisaka na may market value na humigit-kumulang P15,000.
Si Nostratis ay nasa kustodiya na ngayon ng Aborlan MPS para sa karampatang disposisyon.