Getting your Trinity Audio player ready...
|
Dalawang indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Taytay at sa Culion dahil sa mga kasong acts of lascviousness at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Ang mga inaresto ay kinilala ng Police Provincial Office (PPO) ng Palawan na ang mangingisda na si Fredie Liaso Arisgado, 29, residente ng Brgy. Biton, Taytay, at Red Jose Wenceslao Revillame, 24, residente ng Brgy. Libis, Culion.
Si Arisgado ay naaresto noong January 8 sa bisa ng warrant na ibinaba noong April 7, 2021, ni Judge Jose Bayani Usman ng Branch 50 (family court) ng Fourth Judicial Region ng Regional Trial Court (RTC) dahil sa kasong acts of violence na may kaugnayan sa Section 5(i) ng Republic Act 9262.
Ang seksyon ay minamandato na labag sa batas ang pang-aabusong mental at emosyonal, pamamahiya sa publiko ng isang babae o bata, kasama na ang verbal abuse, at pagtanggi sa pagkakaloob ng suportang pinansyal o kustodiya ng mga menor de edad.
Pinayagan si Arisgado na maglagak ng piyansa na P80,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Si Revillame naman ay inaresto noong January 9 sa Brgy. Libis, Culion, dahil sa kasong lascivious acts. Ang warrant para siya ay arestuhin ay ibinaba ni Judge Perly Anne Pe ng MCTC ng nasabing bayan. Pinayagan din siyang magbayad ng piyansa na nagkakahalaga ng P36,000.