Getting your Trinity Audio player ready...
|
Aprubado ng Sangguniang Panlalawigan sa ginanap na regular na sesyon nito noong Martes ang resolusyon na humihiling sa city government na ipagpaliban muna ang paglipat ng terminal ng mga bumibiyaheng public utility vehicles mula sa norte ng Palawan.
Ito ay batay sa Resolution No. 613-22 na may titulong “A resolution requesting the City Government of Puerto Princesa through the Honorable Mayor Lucilo R. Bayron to defer and or reconsider the transfer of the terminal for North Bound Public Utility Vehicles for general interest, convenience, economy and comfort of the general riding public of Northern Palawan residents” na iniakda ni board member Winston G. Arzaga.
Ayon kay Arzaga, ang paglipat ng Puerto Princesa Land Transportation Terminal (PPLTT) sa Brgy. Irawan na dati ay matatagpuan sa Brgy. San Jose ay nakapagdudulot ng problema at malaking pasanin sa mga pasahero dahil sa layo nito sa city proper.
Idagdag pa umano rito ang mataas na singil sa pamasahe ng mga tricycle at multicab drivers.
“There are also some problems about tricycle operators as well as multicab drivers who are charging, I would say exorbitant fees from the terminal to the city proper, some tricycles are charging 300 pesos per trip. The thing Mr. Chair, it is too much for a travelling public from northern Palawan,” ani BM Arzaga.
Kaugnay nito ay inaasahan naman na makikipag-ugnayan ang Sangguniang Panlalawigan sa mga kinatawan ng City Council upang masusing mapag-usapan at matalakay ang naturang kahilingan partikular kung maaaring pansamantalang ipagamit muna ang dating terminal sa Brgy. San Jose para sa mga bumibiyahe sa bahaging norte ng lalawigan habang naghahanap pa ng lugar na posibleng pagtayuan ng terminal para sa northern Palawan public utility vehicles.
Matatandaan na nitong nakalipas na January 6, 2023, ay opisyal nang inilipat at sinimulan ang operasyon ng PPLTT sa Brgy. Irawan kung saan samu’t saring reklamo ang naging hinaing ng mga pasahero sa unang araw pa lamang ng operasyon ng bagong terminal.