Getting your Trinity Audio player ready...
|
Humigit-kumulang 160 food packs ang naipamigay ng 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (1st PPMFC) sa mga biktima ng pagbaha sa Barangay Iraray sa bayan ng Sofronio Española nitong January 8.
Kabilang sa mga ipinamahagi ng mga ito ay ilang kilo ng bigas, mga canned goods, bottled water, mga noodles, at ilang mga damit para sa mga nakakatanda at para sa mga bata.
Ang relief goods ay mula sa mga taga Brgy. Quinlogan, Quezon, CENRO, LGU-Quezon, at iba pang grupo at residente, sa inisyatibo ni Aira Chou at ng kanyang pamilya, ayon sa 1st PPMFC.
Ayon naman kay commander P/Lt. Col Eldie Bantal, ang pagbibigay ng kaunting mga pagkain ay bahagi ng patuloy na pagkalinga ng kapulisan sa mga mamamayan na biktima ng kalamidad bunsod ng LPA noong Enero 4 kung saan isa ang bayan ng Sofronio Española sa mga tinamaan.
Samantala, sa report ng barangay, nasa humigit 200 household ang naapektuhan ng pagbaha, kabilang na ang Sitio Bancudo, Bangi-bangi, at Karasanan.
“Nagpapasalamat po kami sa 1st PPMFC sa food packs para sa mga kabaranggay natin dito sa Iraray, malaking tulong po ito para sa kanila, may mga partially damage rin po talaga kami,” ayon kay Brgy. Iraray Kgd. Arman Marinsi.