Getting your Trinity Audio player ready...
|
SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan—Bahagyang bumaba ang presyo ng karneng baboy sa bayan na ito makalipas ang isang linggo kahit pa nakaranas ng baha ang ilang barangay dulot ng low-pressure area (LPA).
Nasa P20 ang ibinaba ng karne para sa buto-buto at purong laman, ayon sa mga meat vendors sa palengke ng bayan.
Ayon sa meat vendor na si Ayan Mabasa, mula sa dating P300 sa purong laman, ngayon ay nasa P280 na lamang ang kada kilo, habang P250 ang buto-buto mula sa dating 270 ang presyo.
Pahayag niya, hindi naman masyadong matumal ngayong linggo ang bilihan sa kanilang pwesto pagkatapos ng baha noong Enero 4. Nagkaroon kasi ng kaunting suplay ng isda sa palengke pagkatapos ng baha dahil na rin sa sama pa ng panahon sa karagatan kung kaya’t marami ang bumili ng karne sa kanila.
Samantala, naglalaro naman sa P100 hanggang P120 kada kilo ang presyo ng live weight ng baboy.
Kung tumataas ang presyo at nagkakaubusan ng karneng baboy sa kanilang bayan, ayon kay Mabasa, yon ay dahil problema rin nila ang pagpasok ng ibang namimili ng live weight mula sa Puerto Princesa.
Ito ang isang dahilan, ayon pa sa kanya, kung bakit napipilitan silang maghanap ng kakatayin para matugunan ang suplay ng Sofronio Española.
“[Ang] problema natin, dito kumukuha ng live pig yong Puerto kaya yong mga vendor dito umaangat ng presyo kapag konti na lang yong mga kakataying baboy,” pahayag niya.
“Kasi pag konti, halos nagkakaubusan ng baboy dito, kaya siguradong tataas na naman ang presyo pagka ganun,” sabi pa niya.
Sa ngayon, wala pang posibilidad na muling babalik sa mataas na presyo ang karne ng baboy dahil marami pa rin silang nabibiling live pig mula sa mga nag-aalaga.