Umaasa ang pamahalaang bayan ng Brooke’s Point na masusungkit nito ang 2022 Seal of Good Local Governance (SGLG), ang pinakamataas na pagkilala na iginagawad sa mga Local Government Units (LGU) sa larangan ng public service at local governance.
Sa ginanap na National Validation para sa nasabing pagkilala nitong Miyerkules, August 31, inamin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Zamboanga Peninsula assistant regional Director Carmelo Enrique Libot na mataas ang mga markang nakuha ng bayan ng Brooke’s Point base na rin sa mga indicators ng nasabing pagkilala bagamat ang desisyon ay manggagaling pa rin sa Council of Good Local Governance na binubuo ng iba’t-ibang mga national agencies.
“Ang desisyon ay manggagaling pa rin sa mas mataas, but according to the indicators [nakakuha naman ang bayan ng Brooke’s Point] ng mga matataas na marka,” ayon kay Libot.
Ang National Validation ay ang huling proseso isinasagawa sa mga bayan na pagkakalolooban ng SGLG upang aktwal na maverify ng validating team ang mga programa ng mga LGU kauganay sa mabuting paggogobyerno at lokal na pamamahala.
Kung papalarin, ito na ang ika-apat na pagkakataon na masusungkit ng bayan ng Brooke’s Point ang nasabing pagkilala.